Minamahal Kita

"Minamahal Kita", isang awiting inawit ng Parokya ni Edgar na may kalakip na kwento sa likod ng bawat liriko nito.

A fictional story.


Tirik ang araw at tinatamad akong lumabas ng bahay. Sa kadahilanang wala nga naman akong magawa, napagdiskitahan ko ang isang photo album na nakahilata sa ilalim ng mesa na nakapwesto sa isang sulok ng aming sala.

Unang bukas ko pa lamang ng unang pahina ng photo album, bumungad na sa'kin ang ngiti ni George. Nang makita ko ang larawang iyon, nahinuha ko agad na ito yung photo album na pinuno ni mama ng larawan naming dalawa, may ibang larawan rin namang nasali rito na sa aming magbabarkada na.

Nasa mga anim na taong gulang pa siguro kami sa litratong yun. Ang lapad ng ngiti niya at kitang-kita ang bungal niyang ngipin na punong puno ng tsokolate. Nasa tabi niya ako sa litrato habang binubuhos ko sa bibig ko ang garapon ng tsokolate. Habang tinitingnan ko ang sumunod na pahina ng photo album, dun ko naisip na ang haba na pala ng panahon na lumipas. Ang dating dugyot naming mga mukha ay nagbago na.

Mga nasa mahigit kumulang labinsiyam na taon na kaming magkakilala ni George, 'di pa kasali diyan yung siyam na buwang pagsasama namin habang nasa loob kami ng tiyan ng mga nanay namin nung pinakilala nila kami sa isa't isa nung napag alaman nilang sabay nila kaming pinagbubuntis.
Sa tagal ng pinagsamahan namin ng gunggong, dapat nga eh nauumay na ko sa mukha niyang parang si dugong.

'Di sya pangit ah! Di rin naman siya kagandahan, medyo morena siya, basta maitim siya sa paningin ko. Bilog pero mapupungay yung mata niyang may matataas na pilik mata, pero di naman kulot, buti pa sa'kin kalalaki kong tao mas maganda pa pilik mata ko sa kanya. Makapal kilay niya, para nga siyang pakboy eh, kung 'di lang talaga siya babae. Makapal naman yung pang ibabang labi niya, pero katamtaman lang yung sukat nung pangitaas. Matangos ilong niya, pero yung tipo ng pagkakatangos eh parang di ilong ng babae eh. Alam niyo kapag nagpa-boy cut siya mas napagkakamalan siyang lalaki, di talaga siya mukhang babae eh.

Di ko nga alam kung ba't madaming manliligaw yun, para namang tibo, di marunong manamit, di rin maarte sa katawan, minsan pa napapagalitan ko kasi parang aswang hindi nagsusuklay, naaawa rin naman ako, baka mapagkamalan pa siyang alipin ko.

Di ko talaga maintindihan kung bakit ibang iba yung tingin ko sakanya, sabi ng mama ko maganda naman daw siya, gusto na nga niya daw maging anak na lang si George kasi gusto niya talaga magkaroon ng babae na anak.

Sa kabaliwan pa ni mama diyan, nautusan niya pa ako minsan na pakasalan ko daw yung gunggong para tuluyan na niyang maging anak yun.

Pwe naman ang ew ni mama, di ba niya naisip na nakakadiri yung mga imahinasyon niya, kay George pa talaga, eh halos makita ko na nga lahat ng amoy at tinatago niyan eh.

Ewan ko ba, naiinis rin ako sa sarili ko. Sa tagal ba naman kasi ng panahon na naging magkakilala kami, ba't pa ba kasi dumating sa punto na magkakaroon na siya ng muwang sa mundo.
Iba na kasi siya sa dating George na nakilala ko.

Nagsimula kasi yun nung first year college kami, parehong unibersidad yung pinasukan namin, di nga lang pareho yung kursong kinuha namin. May lalaki siyang nagustuhan dun sa university na pinapasukan namin, nagtampo nga ako nun kasi mas nauna siyang maka-experience niyang crush crush na yan. Sumumpa kasi kami, na matatae at magkaka lbm ng isnag linggo ang kung sino man saming dalawa ang unang maglalandi.

Hindi naman siya lumalandi, ano ba. Kaso lang natutunan na niya kung paano kumilos na parang babae, 'di naman siya naglalagay ng kolorete pero natuto na siyang manuklay, kahit ganun lang kasi yung ginagawa niya, oo inaamin ko gumaganda talaga siya.

Walang hiya naman kasi eh, sa tinagal ng pagsasama namin, ang tagal pa bago ko nahinuha na ang ganda pala ni Georgina, langya naman talaga. Kung di niya nagustuhan yung lalaking nasa engineering department, di ko rin malalaman na para pala siyang tao kapag nagsusuklay na.

Nakakinis rin kasi, natuto siyang magpaganda nung may nagugustuhan na siya, eh nung dati namang pinagsasabihan ko siyang mag ayos ng sarili kahit manuklay man lang eh lagi niya kong sinasagot ng, "Kanino naman ako magpapaganda, eh ikaw lang naman lagi kong kasama", tapos dadagdagan niya pa na natural naman daw talaga siyang maganda. Dati binabara ko pa yang mga ganyan niya eh, pero ngayon halos di ko na masabi ng harapan na ang laki ng pinagbago niya, ang laki ng iginanda niya, kahit pagsusuklay lang naman yung binago niya sa sarili niya.

Di naman siya nagbago, cowboy parin siya kung kumilos, ganun pa rin siya tulad ng dati, paborito parin siya ng mama ko, ang tanging nagbago lang eh yung pakikitungo namin sa isa't isa, matapos kong sabihin sa kanyang gusto ko na pala siya.

 "Landi mo ah! Sabi mo wag muna yang mga ganyang bagay, wag mo nga ako pinagloloko!" yan yung sabi niya nang unang beses kong sabihin sa kanya na nagugustuhan ko na siya. Tapos walang hiya, matapos nun isang linggo nga akong di nagpakita sa kanya kasi isang linggo akong nagka-lbm, biro niyo, nagkatutuo yung sumpa, tapos sa akin pa talaga eh saaming dalawa siya yung may unang natipuhan.

Mga pangatlong beses ko na sigurong inulit sa kanya na gusto ko siya, pero ayaw niya parin maniwala. Malapit pa rin naman kami sa isa't isa, pero yun nga, may nagbago na, mailap na siya sa distansya sa pagitan namin, di na tulad nung dati na may payakap yakap pa. Dati kasi, tropa tropa lang, ngayon kasi alam na niyang may malisya sakin lahat, kaya rin siguro ganun.

Sa tagal rin ng hinintay kong paniwalaan niya 'ko, magtatatlong taon narin, hanggang ngayon, pilit ko pa ring inaawit sa isip ko yung linyang, "Maniwala ka sana, minamahal kita."

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bata Kong Puso

Trespass

An Open Letter to My Bestfriend